Hallasgo, Salano at Arbois may laban sa marathon gold

MANILA, Philippines — Ang pag-angkin sa gintong medalya ang pakay nina marathoners Christine Hallasgo, Richard Salano at Arlan Arbois sa pagsisimula ng athletics event ng 32nd Southeast Asian Games ngayon sa Sim Reap City sa Cambodia.

Pipilitin ni Hallasgo, ang marathon champion noong 2019 Manila edition, na maagaw ang korona kay Odekta Elvina Naibaho ng Indonesia.

Makakatulong ni Hallasgo, nakuntento sa silver noong 2022 Vietnam SEA Games, sa pagtarget sa gold si teammate Ruffa Soro­ngon laban kina Naibaho at bronze medalist Ngoc Hoa Hoang Thi ng Vietnam.

Hangad din nina Salano at Arbois na hubaran ng titulo si men’s champion Hoang Nguyen Thanh ng Vietnam.

Inaasahang gagaang ang takbo nina Salano at Arbois dahil sa pagkawala sa laban ni 2022 Vietnam SEA Games bronze me-dalist Tony Ah-Thit Payne, isang naturalized New Zealand athlete, na nagkaroon ng injury.

“Overall, the team is ready. Napaganda iyong maagang dating namin dito, hindi hurried at unti unti nagse-settle in time for the competitions,” ani athletics’ secretary general Edward Kho.

Pakakawalan din ang iba pang events ng athletics sa Mayo 8 hanggang 12 sa Morodok Techno National Stadium kasama ang pole vault sa Lunes kung saan asam ni World No. 3 Ernest John Obiena ang kanyang ikatlong sunod na SEAG crown.

 

Show comments