Benilde, Perpetual tatapusin na ang serye

MANILA, Philippines — Wala nang ibang nasa isip ang College of Saint Benilde at University of Perpetual Help System DALTA kundi walisin ang kani-kanilang championship series para makamit ang korona.

Sasagupain ng Lady Blazers ang Lyceum Lady Pirates ngayong alas-2 ng hapon sa women’s division habang lalabanan ng Altas ang San Beda Red Spi­kers sa alas-12 ng tanghali sa men’s class sa Game Two ng NCAA Season 98 volleyball finals sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nagposte si Gayle Pascual ng 15 points mula sa 12 attacks at tatlong blocks para sa 25-17, 25-19, 25-19 paggiba ng St. Benilde sa Lyceum sa Game One noong Martes.

“Gusto naman talaga ng team na makuha iyon (korona). Sabi nga ni coach (Jerry Yee), ilang beses kami maglalaro ng championship na kaya naming mag back-to-back so ayon, trabaho lang naman iyong need naming gawin,” ani Pascual.

Makakatulong ni Pascual para sa Lady Blazers, hangad ang kanilang back-to-back crown, sina Jade Gentapa, Weilyn Estoque, Zamantha Nolasco at setter Cloanne Mondoñedo.

Sasandal naman ang Lady Pirates kina Joan Doguna, Jaja Tulang at Johna Dolorito.

 

Show comments