Quezon Huskers umeskapo sa Negros Muscovados

MANILA, Philippines — Rumatsada ng husto ang Quezon Huskers sa huling sandali ng laro para kubrahin ang gitgitang 82-80 panalo laban sa Neg­ros Muscovados sa pagsisimula ng 5th Season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Lucena Convention Center sa Lucena City.

Nalugmok ang Hus­kers sa 17 puntos na pagkakabaon ngunit naging inspirasyon ng Quezon ang hiyawan ng home crowd upang makaba-ngon.

“We’re so happy, very very happy and proud. Kahit kulang kami ng ensayo, wala pa yung familiarity sa isat’  isa, they show the character of not giving up and give the best for the team and for the suppor-ters,” ani Huskers head coach Eric Gonzales.

Itinarak ng Huskers ang 10-0 run sa pangu­nguna ni Mark Joseph Pangi­linan na kumana ng three-pointer para maagaw ang kalamangan, 79-78, sa huling tatlong minuto ng laro.

Rumesbak ang Muscovados sa likod ni Jason Melano na kumana ng jumper para muling mabawi ang bentahe sa iskor na 80-79.

Subalit isang krusyal na basket ang ibinato ni Huskers point guard Tomas Torres habang naglista si Simone Sandagon ng split free throw para masiguro ng kanilang tropa ang panalo.

 Malakas na hiyawan ang dumagundong sa venue kung saan sumalo sina Quezon 4th District Congressman Keith Micah Tan at San Andres Mayor Ralph Edward Lim sa selebrasyon gayundin sina team manager Atty. Donn Kapunan at Quezon Gov. Dr. Helen Tan.

Pinamunuan nina Tan, MPBL founder Senator Manny Pacquiao, Commissioner Kenneth Du­remdes at iba pang opis­yal ng lokal na pamaha­laan ang ceremonial jump ball.

Sa unang laro, nanaig ang Bataan laban sa Rizal, 70-61. 

Show comments