MANILA, Philippines — Tuluyan nang naplantsa ang championship showdown ng nagdedepensang Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga.
Pinatalsik ng Tropang Giga ang Meralco Bolts, 107-92, sa Game Four ng kanilang semifinals series patungo sa 2023 PBA Governors’ Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagsalansan si import Rondae Hollis-Jefferson ng 42 points at 11 rebounds, habang may 21 markers si Calvin Oftana kasama ang limang triples para sa 3-1 pagtiklop ng TNT sa kanilang best-of-five semis duel ng Meralco.
Nauna nang kinumpleto ng Ginebra ang 3-0 sweep sa San Miguel sa sarili nilang semis wars.
Nakatakda ang Game One ng best-of-seven title series ng Gin Kings at Tropang Giga sa Abril 9.
Nagdagdag si Mikey Williams ng 17 points tampok ang apat na tres at may 16 markers si Roger Pogoy para sa Tropang Giga na nagtayo ng 13-point lead sa third period bago nakadikit ang Bolts sa 86-93 sa 6:31 minuto ng fourth quarter.
Sinandigan ng TNT sina Hollis-Jefferson at Williams para iwanang muli ang Meralco sa 105-92 sa huling 44 segundo.
Pinamunuan ni import KJ McDaniels ang Bolts sa kanyang 37 points.
Nag-ambag si Aaron Black ng 19 markers, 7 assists at 5 rebounds at may tig-11 points sina Chris Newsome at Chris Banchero.