Lastimosa susukatan ng Phoenix

MANILA, Philippines — Sisimulan ni PBA great Jojo Lastimosa ang kanyang head coaching job sa paggiya sa TNT Tropang Giga sa 2023 PBA Go­vernors’ Cup.

Sasagupain ng Tropang Giga ang Phoenix Fuel Masters ngayong alas-5:45 ng hapon matapos ang bakbakan ng NLEX Road Warriors at Blackwater Bossing sa alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Bukod sa pagiging coach ng TNT ay aakto pa ring team manager ang 58-anyos na si Lastimosa habang inihahanda ni mentor Chot Reyes ang Gilas Pilipinas para sa sixth at final window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero.

Makakatuwang ni Lastimosa, isang 10-time PBA champion at ang 1988 PBA Rookie of the Year, sa Tropang Giga sina assistant Bong Ravena at Sandy Arespacochaga.

Ipaparada ng Tropang Giga si import Jalen Hudson na naglaro sa Israeli Basketball Premier League at sina Justin Chua at Paul Varilla.

Muli namang tinapik ng Phoenix ni interim coach Jamike Jarin si Du’Vaughn Maxwell na pumalit kay Dominique Sutton sa Season 46 Go­vernors’ Cup elimination round.

Samantala, nagkaroon naman ng problema ang NLEX sa kanilang import na si Jonathan Simmons.

Nakatanggap kasi ang dating NBA player ng mas magandang offer mula sa isang koponan sa Chinese league.

 

Show comments