CHICAGO — Dinuplika ni center Nikola Vucevic ang kanyang career high na 43 points para banderahan ang Bulls sa 132-118 pagsuwag sa nagdedepensang Golden State Warriors.
Tinapos ng Chicago (20-24) ang kanilang 11-game losing slump laban sa Golden State (21-22).
Huling nanalo ang Bulls sa Warriors noong Marso 2, 2017.
Nagdagdag si Zach LaVine ng 27 points para pigilin ang three-game losing skid ng Chicago.
Umiskor si Klay Thompson ng 26 points kasunod ang 20 markers ni Stephen Curry para sa Golden State na nagkaroon ng 23 turnovers.
Kumamada ang Warriors ng 42 points sa second period para agawin ang 62-59 halftime lead bago bumawi ang Bulls at inagaw ang 100-88 abante sa huling dalawang minuto ng fourth quarter.
Sa Los Angeles, tumipa si Joel Embiid ng 35 points at 11 rebounds sa 113-112 paglusot ng Philadelphia 76ers (27-16) sa Lakers (19-24) at sinapawan ang NBA record ni LeBron James.
Tumapos si James na may 35 points, 10 assists at 8 rebounds para sa Lakers at naging ikalawang player sa NBA history na umiskor ng 38,000 career points bukod kay NBA great Kareem Abdul-Jabbar.
Sa New York, kumamada sina Shai Gilgeous-Alexander at Josh Giddey ng tig-28 points sa 112-102 panalo ng Oklahoma City Thunder (21-23) sa Brooklyn Nets (27-15).