MANILA, Philippines — Sisikapin ng College of Saint Benilde na maipanalo ang kanilang mga nalalabing laro para masikwat ang Final Four bonus sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament.
Kabilang na rito ang krusyal na laro kontra sa Lyceum of the Philippines University ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang laban ng Blazers at Pirates sa alas-3 ng hapon habang maghaharap naman ang University of Perpetual Help System Dalta at San Sebastian College-Recoletos sa alas-12 ng tanghali.
Dikdikan ang labanan para sa dalawang Final Four bonus dahil dikitdikit ang apat na tropa sa standings.
Nangunguna ang defending champion Colegio de San Juan de Letran na may 12-4 marka kasunod ang Benilde na may 11-4 kartada.
Nasa ikatlo naman ang Lyceum tangan ang 12-5 rekord habang ikaapat ang San Beda University bitbit ang 11-5 baraha.
Kaya naman wala nang puwang ang anumang pagkakamali para sa Knights, Blazers, Pirates at Lions kung nais nilang makuha ang twice-to-beat card.
Sariwa pa ang Benilde sa 83-78 panalo laban sa San Sebastian noong Martes para makabalik sa Final Four matapos ang dalawang dekada.
Handa rin ang Pirates na ibuhos ang buong lakas nito para manatiling buhay sa twice-to-beat card.
Pinataob ng Lyceum ang JRU noong Miyerkules (79-62).