MANILA, Philippines — Lusot na sa unang pagbasa sa Kongreso ang naturalization ni resident PBA import Justin Brownlee bilang susunod na reinforcement ng Gilas Pilipinas sa international competitions.
Walang naging gusot ang hearing ng House Committee on Justice para sa House Bill No. 825 na akda ni deputy speaker at 1-Pacman party list Rep. Mikee Romero para sa pagiging Pinoy sa pamamagitan ng naturalization ni Brownlee.
Naka-Barong Tagalog sa pagdinig si Brownlee, long-time import ng Barangay Ginebra sa PBA, at nagsabi pa ng “Maraming Salamat po” matapos ang halos isang oras na pagdinig sa pangugunguna ni House Justice committee chairman Juliet Marie de Leon Ferrer.
Nakasama ni Brownlee sa kanyang unang hakbang para maging naturalized player ang mga opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pangunguna nina spokesperson Sonny Barrios at team manager Butch Antonio.
Dumalo rin sa hearing ang mga opisyal ng Department of Justice, Bureau of Immigrations, National Bureau of Investigation at Department of Foreign Affairs na walang naging pagtutol sa House 825.
Ie-endorso na para sa second reading ang House Bill 825 bago dalhin sa plenaryo para sa ikatlo at huling pagbasa tsaka pa lang iaakyat sa Senado, kung saan sasalang din sa parehong proseso.
Umaasa ang SBP na aabot ang naturalization ni Brownlee para sa kampanya ng Gilas sa huling window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero 2023.