MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na tagumpay ang tangka ni Kai Sotto at ng Adelaide 36ers kontra sa New Zealand Breakers sa 2022-2023 Australia National Basketball League (NBL) sa Adelaide Entertainment Center.
Iho-host ng 36ers ang dayong Breakers sa alas-4:30 ng hapon (Manila time) at aasang magdire-diretso ang momentum matapos ang panalo sa Illawarra Hawks at reigning champion na Sydney Kings.
Yukod ang Adelaide sa runner-up na Tasmania JackJumpers, 72-97, sa kanilang unang laro subalit ginapi ang Hawks, 90-80, at ang Kings, 92-88, para umangat sa 2-1 kartada sa likod ng Sydney (5-2) at New Zealand (4-2).
Sa naturang mga laban ay limitadong aksyon lang pumarada si Sotto.
Ayon kay 36ers’ head coach CJ Bruton, wala siyang intensyon na harangin ang development ni Sotto ngayong season dahil pareho nilang misyon ang tagumpay ng Adelaide at ang NBA dream ng Pinoy giant.
“His skillset helps us, and while you haven’t seen it a whole lot, I’m also playing to win games. I need to be successful; I want this city to be successful, I want Kai to keep improving,” ani Bruton.