MANILA, Philippines — Ayaw magpapigil ng mga Fuel Masters.
Nalampasan ng Phoenix ang pagbangon ng Rain or Shine mula sa 18-point deficit para kunin ang 92-83 panalo sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humakot si import Kaleb Wesson ng 21 points, 17 rebounds, 5 blocks at 4 assists para sa ikaapat na sunod na ratsada ng Fuel Masters at ilista ang 4-3 record.
Bigo ang Elasto Painters na maitala ang back-to-back wins at nahulog sa 3-4 marka.
Nagdagdag si Encho Serrano ng 18 points, kasama ang isang acrobatic shot na nagbigay sa Phoenix ng 88-83 abante sa huling 1:34 minuto ng fourth period, at may 11 points si RJ Jazul.
“Iyong opportunity na ibinigay niya sa akin, sobrang blessed ako sa kanya,” sabi ni Serrano kay coach Topex Robinson. “Everyday, iyon nagtatrabaho lang kami kaya ito ang kinalabasan.”
Isinara ng tropa ni Robinson ang first half bitbit ang 48-42 abante na kanilang pinalobo sa 68-50 sa 4:15 minuto ng third quarter mula sa dalawang free throws ni Jazul.
Nagposte si import Steve Taylor Jr., ng 16 points, 19 boards at 3 assists para sa Elasto Painters.
Sa ikalawang laro, sumilip ng tsansa ang San Miguel sa quarterfinals matapos patumbahin ang NorthPort, 104-86.
Nagsumite si import Devon Scott ng 25 points, 16 rebounds at 6 assists para sa 3-3 kartada ng Beermen.
Bumaba ang Batang Pier sa 3-4 kartada.