MANILA, Philippines — Mainit na tinapos ng San Beda University (SBU) ang kampanya nito matapos pasukuin ang Emilio Aguinaldo College (EAC), 25-20, 19-25, 25-21, 25-20, kahapon sa Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Ito ang nag-iisang panalo ng Lady Red Spikers sa Pool A para wakasan ang group stage bitbit ang 1-4 marka habang walang naipanalo ang Lady Generals sa limang laro nito.
Nanguna para sa San Beda si Angel Habacon na kumana ng 16 puntos mula sa 13 attacks at tatlong aces.
Bigong makapasok sa second round ang Lady Red Spikers at Lady Generals.
Nasiguro naman ng University of Santo Tomas at Adamson University ang tiket sa second round matapos igupo ang kani-kanyang karibal Sabado ng gabi.
Nakumpleto ng Tigresses ang matamis na sweep sa Pool B matapos irehistro ang 25-17, 25-19, 25-22 panalo sa Lyceum of the Philippines University.
Nagsumite si Angeli Abellana ng 15 markers habang may 12 hits naman si Regina Jurado para sa Tigresses na umangat sa malinis na 4-0 baraha.
“At least my young players are stepping up. It’s good that we have the momentum going into the second round,” ani UST coach Kungfu Reyes.
Laglag sa 2-2 ang Lady Pirates.
Nagtala si Zonxi Dahab ng walong puntos habang may pitong puntos naman si Joan Doguna para sa Lyceum.
Namayani naman ang Adamson sa Emilio Aguinaldo College, 25-14, 25-14, 25-19 para umangat sa 3-1 marka.
Makakasama ng Tigresses at Lady Falcons sa second round ang De La Salle University at Far Eastern University sa Pool.