Benilde dinungisan ng Letran

MANILA, Philippines — Napigilan ng Colegio de San Juan de Letran ang winning streak ng College of Saint Benilde matapos itarak ang 81-75 panalo kahapon sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 98 men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.

Bumandera sa matikas na ratsada ng Knights si Brent Paraiso na bumanat ng 25 points at apat na steals para dahin ang  kanilang tropa sa 2-1 baraha.

“I challenged the boys to not allow what happened in our game against Arellano to happen here,” ani Knights head coach Bonnie Tan.

Una nang tumupi ang Letran sa Arellano University sa kanilang huling laro noong Linggo.

Matikas ang suporta ni Fran Yu na naglista ng 12 points, siyam na rebounds, anim na assists at anim na  steals habang nagdagdag si Paolo Javillonar ng 10 markers, limang boards at dalawang assists.

Nagbigay din ng kontribusyon si Kobe Monje na may 10 points at dalawang assists gayundin si Kurt Reyson na may anim na puntos, walong rebounds, tatlong assists at dalawang steals para sa Knights.

“Our loss to Arellano was very frustrating and we don’t want that to happen again,” ani Tan.

Ito ang unang kabiguan ng Blazers para mahulog sa 3-1 baraha.

Nasayang ang pagsisikap ni Will Gozum na umiskor ng double-double na 23 points at 10 rebounds.

Hindi rin napakinaba­ngan ang naitala ni Migs Corteza na 18 points at pitong  rebounds gayundin ang tig-10 puntos nina Robi Naybe at Ladis Lepalam.

Samantala, kinansela ng NCAA management committee ang laro ng Lyceum of the Philippines University (LPU) at San Sebastian College - Recoletos (SSC-R) ngayong hapon dahil sa safety and health protocols.

Anim na miyembro ng Golden Stags ang isinailalim sa health and safety protocols sa loob ng pitong araw.

Dahil dito, kinansela rin muna ang mga laro ng Stags kontra sa Emilio Aguinaldo College sa Martes.

Magpapatuloy ang aksyon bukas sa parehong venue kung saan maghaharap ang Benilde at Jose Rizal sa alas-12 ng tanghali kasunod ang bakbakan ng San Beda University at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-3 ng hapon.

Show comments