Panukala ni 1Pacman party list Representative Mikee Romero ang pagbuo ng Department of Sports upang humawak ng poder sa pagpapatakbo ng mundo ng palakasan sa bansa.
Mukhang swak naman sa makailang beses nang nabanggit ni President Marcos na planong pagtuon ng mas malaking pansin, kasabay ang pagbuhos ng mas malaking pondo sa mga pambansang atleta.
Ang siste lang eh kung aabot sa plenaryo upang pag-usapan ang proposed bill ni Cong. Romero.
O kung kampante na ang Pangulo na ang kasalukuyang ahensya — Philippine Sports Commission — sa ilalim ng Office of the President ang patuloy na tumutok sa sports.
Nasa matinding ratsada ang Philippine sports, at numero unong highlight ang gold-medal feat ni weightlifter Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics. Nariyan din ang world titles ni gymnast Caloy Yulo at ang bronze-medal feat sa athletics world championships ni pole vaulter EJ Obiena.
Pare-parehong nabigyan ng magandang government at private support ang mga ito — foreign training, foreign coach at international exposures. At pare-parehong nagbalik ng dekalibreng performance sa world stage.
Kung mangyayari ang mas magandang daloy ng suporta sa mga national athletes, eh malamang matapatan o malagpasan ang 1-2-1 gold-silver-bronze haul noong Tokyo Games sa parating na 2024 Paris Olympics.
Yan eh manatili man ang PSC o kung mapalitan ng Department of Sports.
Sa kasalukuyan, isa pa lang ang nainonombra ng Pangulo sa ahensya, at ito ay sa katauhan ni Commissioner Bong Coo. Matamang hinihintay ang karagdagang commissioners at ang mamumunong chairman.