MANILA, Philippines — Pipilitin ng Meralco na maiposte ang 2-1 abante sa pagsagupa sa San Miguel sa Game Three ng kanilang best-of-seven semifinals series sa 2022 PBA Philippine Cup.
Lalabanan ng Bolts ang Beermen ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at Magnolia Hotshots sa alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itinabla ng Meralco sa 1-1 ang kanilang serye matapos basagin ang San Miguel sa Game Two, 99-88, sa pagbabalik sa bench ni coach Norman Black.
“If we can be unpredictable on how we score, it would be difficult for us to be stopped,” sabi ni Black sa kanyang Bolts.
Nauna nang inangkin ng Beermen ang 121-97 panalo sa Game One.
Sa unang laro, hangad ng TNT na makabangon mula sa 88-92 pagkatalo sa Magnolia sa Game Two para agawin ang 2-1 bentahe sa kanilang serye.
“Our team cannot out-talent teams, we do not have the size to overpower other teams, we do not have the talent of the other teams,” ani Tropang Giga mentor Chot Reyes. “If we’re beaten in the effort department, we have no chance.”
Kinuha ng Hotshots ang 19-point lead, 77-58, bago nakabalik sa laro ang koponan ni Reyes at makadikit sa 88-90 sa huling 1.6 segundo ng fourth quarter.
Humugot si Mikey Williams ng 25 sa kanyang 28 points sa second half para banderahan ang nasabing pagbangon ng TNT.
“Ang sabi ko lang naman sa kanila is we have to go back to our defensive mindset, ‘yung defensive mentality namin. Kasi kaya kami nandito because of that,” wika ni Magnolia coach Chito Victolero.