Alegarbes kinumpleto ang sweep sa ASEAN Para Games

MANILA, Philippines — Kinumpleto ni rookie Ariel Joseph Alegarbes ang pagwalis sa kanyang tatlong swimming events sa 11th ASEAN Para Games kahapon sa Jatadiri Sports Complex sa Semarang, Indonesia.

Pinagharian ni Alegarbes ang men’s 50-meter freestyle S14 race sa bilis na 25.74 segundo para sa kanyang ikatlong ginto at duplikahin ang tatlong golds ni teammate Angel Otom.

Nag-ambag ng ginto si Marco Tinamisan sa kanyang panalo sa men’s 100-meter freestyle S3 event sa oras niyang 1:54.15  habang naghari si Tokyo Paralympic veteran Gary Bejino sa men’s 100-meter freestyle S6 race sa tiyempong 1:13.80.

Tinapos ng mga Pinoy tankers ang kompetisyon sa nilangoy na 12 gintong medalya.

Tuluyan nang nalampasan ng tropa ang 20 gold, 20 silver at 29 bronze me­dals noong 2017 Malaysian edition mula sa nahakot ngayong 24 golds, 23 silvers at 43 bronzes.

Nag-ambag naman ng silvers sina Marcelo Burgos at Angelo Manangdang sa men’s compound doubles sa archery at Andrew Kevin Arandia sa men’s singles event Class 9 ng table tennis.

Bigo naman ang mga Pinoy cagers sa Thailand, 36-87, sa men’s wheelchair 5x5 basketball gold match.

 

Show comments