MANILA, Philippines — Problemado pa rin ang Converge apat na araw bago ang pagbubukas ng PBA Philippine Cup.
Hindi pa kasi napaplantsa ang mga kontrata nina Fil-Ams Abu Tratter, Maverick Ahanmisi at Robbie Herndon na dating mga players ng Alaska.
Nakuha ng FiberXers ang karapatan sa tatlo matapos bilhin ang prangkisa ng Aces.
At dahil wala pang napipirmahang kontrata ay hidi pa kasama ang pangalan nina Tratter, Ahanmisi at Herndon sa official roster ng Converge para sa Philippine Cup.
“We’re still negotiating, and as soon as those agreements are secured, we will file our UPC (Uniform Player Contract) with the PBA,” wika ni team manager Chito Salud. “It’s as simple as that. There’s no other way around it.”
Sa nakaraang PBA season ay nagposte ang 6-foot-6 na si Tratter ng mga averages na 10.8 points, 6.7 rebounds at 1.4 assists sa 24 games para sa Alaska.
Tumipa naman si Herndon ng 9.2 points, 4.3 rebounds at 1.1 assists at naglista si Ahanmisi ng 8.4 points, 5.5 rebounds, 3.4 assists at 1.2 steals per game.
Samantala, tiniyak ni top scorer Matthew Wright na maglalaro pa rin siya para sa Phoenix.
Ito ay sa kabila ng mga naunang report na plano ni Wright na sumalang sa Japan B. League bilang Pinoy import.
Nagtala ang Fil-Canadian guard ng average na 17.4 points sa nakaraang Governors’ Cup.