MANILA, Philippines — Desidido ang PLDT Home Fibr na makapagbigay ng magandang laban sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference na lalarga bukas sa Paco Arena sa Maynila.
Matapos mabangasan sa lineup, nagpalakas ang High Speed Hitters ng roosters kung saan ilang key players ang pumasok sa tropa sa preseason.
Ilan sa mga nahugot ng tropa sina veteran playmaker Rhea Dimaculangan at middle blocker Mika Reyes na parehong galing sa magkaibang koponan.
Nakuha pa ng High Speed Hitters si ace libero Kath Arado na malaki ang maitutulong sa floor defense at reception para makagawa ng solidong plays.
Pasok din sa High Speed Hitters sina wing spikers Fiola Mae Ceballos, Toni Rose Basas, Meanne Mendrez, Heather Guinoo at Jovielyn Prado.
Makakatuwang naman ni Reyes sa middle position si national pool member Dell Palomata gayundin si dating University of Santo Tomas middle blocker Jessey De Leon.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Jules Samonte, Eli Soyud, Wendy Anne Semana, Nieza Viray at Lhara Clavano.
Hahawakan ni veteran mentor George Pascua ang High Speed Hitters.
Kung tutuusin, mukhang bagong team ang PLDT dahil galing sa iba’t ibang koponan ang mga players nito.
Kaya’t chemistry ang pangunahing prayoridad ng tropa.
“Kailangan ma-form namin yung chemistry ng mga bata at nung team. May mga skills na yan but kailangan makuha nila yung system natin,” ani Pascua.