MANILA, Philippines — Patuloy ang mainit na ratsada ni opposite hitter Mylene Paat matapos tulungan ang Nakhon Ratchasima na makuha ang 25-21, 25-18, 27-25 pa-nalo laban sa Proflex RSU sa 2021-22 Volleyball Thailand League kahapon sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.
Nasandalan nang husto ng Nakhon Ratchasima si Paat sa attack line matapos pakawalan ang matatalim na cross courts nito kasama pa ang matatalim na service aces upang masikwat ng tropa ang ikaapat na panalo.
Nagtala ang dating Adamson University standout ng 25 puntos mula sa 19 attacks at anim na aces para pamunuan ang opensa ng Nakhon Ratchasima.
Tinapos ng Nakhon Ratchasima ang first round tangan ang 4-3 rekord sapat para okupahan ang No. 4 spot at magpatuloy sa kampanya sa second round ng torneo.
Inaasahang itotodo na ng Nakhon Ratchasima ang buong puwersa nito sa second round dahil bawat laro ay magiging krusyal na upang makapasok sa medal round.
Anim na koponan na lamang ang natitira sa second round kabilang ang Nakhon Ratchasima.
Maganda ang inilaro ni Paat sa first set kung saan hawak ng Nakhon Ratchasima ang dikit na 22-21 kalamangan nang pakawalan ng Pinay spi-ker ang tatlong sunod na aces para tapusin ang set.
Muling bumanat si Paat sa second set nang itarak ang tatlong sunod na aces para isara ang naturang yugto sa 25-17.
Nakatabla ang Proflex sa third set sa 25-all ngunit kumana si Kanyaphat Khunmat ng crosscourt kasunod ang solidong block para sa panalo ng tropa ni Paat.