MANILA, Philippines — Itinakda ni Jade Bornea ang kanyang paghahamon sa kababayang si world super flyweight champion Jerwin Ancajas matapos talunin si Moroccan Mohammed Obbadi via third-round stoppage kahapon sa Monterrey, Mexico.
Ang nasabing upakan nina Bornea (17-0-0, 11 KOs) at Obbadi (22-2-0, 13 KOs) ay isang title eliminator para sa suot na International Boxing Federation (IBF) super flyweight crown ni Ancajas (33-2-1, 22 KOs).
Ipinakita ni Bornea ang kanyang determinasyong maging isa ring Pinoy world champion nang kaagad paulanan ng mga matutulis na suntok si Obbadi sa first round pa lamang.
Itinigil ng referee ang nasabing title eliminator sa 2:25 minuto ng third round matapos kumonekta ng mabibigat na body shots si Bornea sa bodega ni Obbadi.
Ang naturang panalo ang nag-akyat sa tubong Arakan, Cotabato Del Norte sa No. 1 ranking sa IBF para maging mandatory challenger.
Dahil dito ay naplantsa ng 26-anyos na si Bornea ang kanyang paghahamon kay Ancajas na kasalukuyang may suot ng IBF super flyweight crown.
Kailangang talunin ng 29-anyos na si Ancajas si Fernando Martinez ng Argentina sa susunod na buwan para maitakda ang kanyang mandatory title defense kay Bornea.
Haharapin ni Ancajas si Martinez sa unang linggo ng Pebrero sa Gila River Arena sa Glendale, USA.