Onwubere ibinigay din ng Northport sa Ginebra kapalit ni dela Cruz

Sidney Onwubere at Art dela Cruz Jr..

MANILA, Philippines — Magkakasunod na trade ang pinasok ng NorthPort bilang pagpapalakas sa kanilang koponan para sa dara-ting na 2021 PBA Governor’s Cup na planong itakda sa huling linggo ng buwan.

Kahapon ay ibinigay ng Batang Pier si defensive player Sidney Onwubere sa Ginebra Gin Kings kapalit ni scoring guard Art dela Cruz Jr.

Ang nasabing one-on-one trade ng NorthPort at Ginebra ay inaprubahan ng PBA Commissioner’s Office.

Kamakalawa ay dinala ng Batang Pier si power forward Vic Manuel sa San Miguel para makuha si one-time PBA Most Valuable Player Arwind Santos.

Noong Biyernes ay nahugot ng NorthPort ang 34-anyos na si Manuel kasama si small forward Michael Calisaan mula sa Phoenix kapalit nina veteran Sean Anthony, sophomore Sean Manganti at isang 2021 second round draft pick.

Makaraan ang 3-araw ay ipinagpalit ng Batang Pier si Manuel kay Santos na tumapos sa 12-taong pag-lalaro ng dating FEU King Tamaraw sa SMB.

Sa nakaraang 2021 PBA Philippine Cup sa Bacolor, Pampanga ay nagtala si Onwubere ng averages na 9.6 points at 5.9 rebounds. para sa NorthPort, habang hindi naman naglaro si Dela Cruz sa Ginebra.

Lalakas ang frontline ng Gin Kings sa pagdating ng 6-foot-4 na si Onwubere at dagdag na opensa naman ang ibibigay ni Dela Cruz sa Batang Pier.

Show comments