MANILA, Philippines — Pasok si Filipino-American Kalei Mau sa women’s national team na sasabak sa 2021 AVC Club Championships sa Oktubre 1 hanggang 7 sa Nakoh Ratchasima, Thailand.
Hindi nakalahok si Mau sa tryout dahil naglaro ito sa isang commercial league sa Puerto Rico bilang import.
Subalit isinama pa rin si Mau sa listahan na inilabas para sa Thailand meet.
Sa kabilang banda, wala ang pa-ngalan ni dating national team skipper Alyssa Valdez gayundin si playmaker Jia Morado — na parehong hindi nakarating sa tryout noong Abril.
Babanderahan ang Phl Spikers team ni Premier Volleyball League (PVL) Open Conference Season at Finals MVP Jaja Santiago kasama sina Dindin Santiago-Manabat, MJ Philips, Major Baron, Aby Maraño at Mylene Paat.
Nasa lineup din sina Rhea Dimaculangan, Kim Dy, Dawn Macandili, Ria Meneses, Dell Palomata, Tin Tiamzon at Iris Tolenada gayundin sina collegiate standouts Mhicaela Belen, Kamille Cal, Imee Hernandez, Ivy Lacsina, Eya Laure, Jennifer Nierva, Faith Nisperos at Bernadette Pepito.
Sasailalim sa tatlong linggong training camp ang national team sa University of the Assumption Gym sa San Fernando, Pampanga simula sa Setyembre 1.
Nakatakdang umalis ang koponan patungong Thailand sa Setyembre 27.
Gagabayan ang tropa nina Brazilian coach Jorge Edson Souza de Brito at Odjie Mamon. Maliban sa women’s team, sasabak din ang men’s team sa Asian Men’s Club Volleyball Cham-pionship na idaraos naman sa Oktubre 8 hanggang 15 sa parehong venue.