MANILA, Philippines — Maaari nang tirhan nina Tokyo Olympic medalists Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Felix Marcial ang mga ipinangako sa kanilang housing units ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang nasabing mga house and lot ay nasa kani-kanilang probinsya.
Ang mga two-storey, two-bedroom units nina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial ay may floor area na 60 square meter at total lot area na 80sq m.
Nauna nang natanggap nina Diaz, Petecio Paalam at Marcial ang kanilang mga cash incentives mula kay Presidente Duterte sa isang courtesy call sa Malacañang kamakailan.
Bukod dito ay ibinigay din ng Pangulo sa apat na Tokyo Olympics medalists ang kani-kanilang certificate para sa housing units.
Sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez at National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino P. Escalada Jr. ang nagtulungan para tuparin ang pangako ni Presidente Duterte.
Ang house and lot nina Diaz, binuhat ang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa matapos ang 97 taon, at Marcial, nag-uwi ng bronze medal sa men’s middleweight class, ay nasa kanilang probinsya sa Zamboanga City.
Ang turnover ng housing units para kina Diaz at Marcial ay nakatakda sa Setyembre 2.
Nasa Davao naman ang mga housing units nina Petecio at Paalam, parehong sumuntok ng silver medal sa women’s featherweight at men’s flyweight division, ayon sa pagkakasunod.