MANILA, Philippines — Walang magaganap na blockbuster fight sa pagitan nina eight-division world champion Manny Pacquiao at WBC/IBF welterweight champion Errol Spence Jr.
Ito ay matapos mag-backout si Spence sa laban dahil sa problemang medikal na natuklasan ng Nevada State Athletic Commission sa prefight medical examination.
Nakita sa pagsusuri na may punit ang retina ng kaliwang mata ni Spence dahilan para tuluyan na itong alisin sa nakatakda sanang laban nito kay Pacquiao sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Agad namang sasalang sa eye surgery si Spence upang ayusin ang problema sa mata.
“I was excited about the fight and the event. There was no way I could fight with my eye in that condition. I’d like to apologize to everyone. You know I’ll be back soon. We’ve come back from worse,” ani Spence.
Nagbigay naman ng magandang mensahe si Pacquiao para sa mabilis na ikagagaling ni Spence.
“I pray for a full and complete recovery for Errol Spence,” ani Pacquiao.
Papalitan ni WBA welterweight champion Yordenis Ugas si Spence bilang bagong kalaban ni Pacquiao.
Si Ugas ang sumalo sa WBA crown ni Pacquiao nang tanggalin ito ng world governing body sa Pinoy champion dahil sa “inactivity” o kabiguang madepensahan ang titulo sa loob ng mahigit isa’t kalahating taon bunsod ng pandemya.
Kaya naman may tsansa si Pacquiao na muling mabawi ang WBA title kung mapapataob nito si Ugas.
“The proper way and the only way to win a world title is inside the ring,” ani Pacquiao.
Mataas ang respeto ni Ugas kay Pacquiao na itinuturing na legend sa mundo ng boxing. “I have a tremendous amount of respect for Pacquiao, but I am coming to win this fight,” aniya.