MANILA, Philippines — Kasado na ang finals ng apat na FIBA Olympic Qualifying Tournament tampok ang ilang NBA stars sa apat na magkakahiwalay na host cities para sa huling apat na tiket papunta sa Tokyo Olympics ngayong buwan.
Magbabanggaan ang host na Serbia at Italy sa finale ng Belgrade OQT habang aasa din sa homecourt advantage ang host na Lithuania kontra sa Slovenia sa Kaunas OQT ngayon.
Sinilat naman ng Czech Republic ang host na Canada sa semifinals ng Victoria OQT upang makaharap ang Greece sa finals habang parehong dayong koponan na Germany at Brazil ang maglalaban sa finals ng Split OQT sa Croatia.
Bigatin ang magiging duwelo ng mga koponan na binabanderahan ng mga NBA players sa pangunguna nina Dallas Mavericks star guard Luka Doncic ng Slovenia at 7-foot-3 giant Boban Marjanovic ng Serbia.
Star-studded din ang host na Lithuania sa pamumuno nina Domantas Sabonis ng Indiana Pacers at Jonas Valanciunas ng Memphies Grizzlies.
Tig-isa naman ang NBA representative ng Czech Republic at Italy sa katauhan nina Tomas Satoranksy ng Chicago Bulls at Nico Mannion ng Golden State Warriors, ayon sa pagkakasunod.
Ang makakalusot sa natitirang walong koponan ay sisikwat ng natitirang apat na wildcard tickets patungo sa Tokyo kung saan nag-aabang na ang 2016 Olympics gold medalist na USA at 2019 FIBA World Cup champion Spain.
Swak na rin sa 12-team Olympics, na aarangkada simula Hulyo 24, ang Iran, France, Australia, Nigeria, Argentina at host na Japan.
Bigong makapasok sa prestihiyosong quadrennial games ang Asian teams na South Korea, China at Gilas Pilipinas na kababalik lang sa bansa kahapon ng madaling araw.