MANILA, Philippines — Matamis na nasungkit ni Warren Kiamco ang kauna-unahang titulo sa taong ito matapos pagharian ang 5th Annual Barry Behrman Memorial Spring Open 9-Ball na ginanap sa Q Master Billiards sa Virginia, USA.
Inilabas ni Kiamco ang malalim nitong karanasan upang matikas na ilampaso si Manny Chau ng Peru sa bendisyon ng 11-5 demolisyon sa finals.
Napasakamay ni Kiamco ang $4,500 papremyo habang nagkasya sa $2,300 konsolasyon si Chau.
Nakapasok sa finals si Kiamco nang payukuin nito si dating world champion Mika Immonen ng Finland sa semifinals sa pamamagitan ng gitgitang 9-8 desisyon.
Mainit na sinimulan ni Kiamco ang kampanya nito nang pulbusin si Tom Czaplicki sa first round (9-2) bago dumaan sa butas ng karayom laban kay American Hall of Famer Johnny Archer sa second round (9-8).
Kabilang din sa mga tinalo ng Pinoy champion sina Daniel Sardoncillo sa third round (9-3), kababayang si Jeffrey De Luna sa fourth round (9-8) at Reymart Lim sa quarterfinals (9-4).