MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ni national taekwondo jin Kirstie Elaine Alora ang kanyang ikalawang Olympic Games appearance sa paglahok niya sa Asian qualifiers sa Mayo 14-16 sa Amman, Jordan.
Bukod kay Alora, maghahangad din ng silya sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan sina 2019 Southeast Asian Games medalists Pauline Lopez, Kurt Barbosa at Arven Alcantara.
Sumabak si Alora noong 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil kung saan inangkin ni national weightlifter Hidilyn Diaz ang silver medal.
Sa nasabing edisyon ng quadrennial event ay maagang nasibak ang 31-anyos na si Alora sa first round makaraang patalsikin ni dating Olympic champion Maria Espinoza ng Mexico.
Plano sana ni Alora na magretiro noong nakaraang taon ngunit nagbago ang isip para pangarapin ang ikalawang sunod na Olympics appearance.
Noong 2019 SEA Games ay sumipa si Alora ng silver medal sa women’s 73 kilogram weight class.
Pare-pareho namang asam nina Lopez, Barbosa at Alcantara ang kani-kanilang unang Olympics stint.
“To make it to the Olympics, they just have to make it to the top 2 in the tournament. There will be no finals there,” sabi ni national training director Dindo Simpao.
Sa naturang Asian Olympic qualifiers ay dalawang jins ang aabante sa finals sa bawat weight division para awtomatikong makapaglaro sa 2021 Tokyo Olympics.