Okay na rin si Munzon sa dyip

Joshua Munzon

MANILA, Philippines — Kasunod ng big man na si James Laput ay nasiguro na rin ng Terrafirma ang serbisyo ng pambatong top overall pick na si Joshua Munzon kahapon para sa pagbubukas ng PBA Season 46 sa susunod na buwan.

Pumirma ang Filipino-American ace ng maximum three-year contract kasama si team governor Bobby Rosales upang pormal na simulan ang bagong era ng Dyip franchise.

Ang 6-foot-4 na slasher ang inaasahang papalit sa puwesto ni CJ Perez matapos itong ma-trade sa San Miguel, bilang pinakabagong lider ng Terrafirma.

Bigatin ang resume ni Munzon bago umakyat sa PBA kaya’t inaabangan ang malaking tulong niya sa Dyip na misyong umangat sa PBA ngayong 2021 Season matapos mangulelat sa mga nakalipas na taon.

Matapos ang impresibong kampanya sa California State Los Angeles sa US NCAA, nagpasiklab si Munzon sa ASEAN Basketball League para sa Saigon Heat at Westports Malaysia Dragons.

Umuwi siya sa bansa noong 2019 at naging pioneer member ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 bago maging No. 1 3x3 player sa bansa matapos gabayan ang Pilipinas sa iba’t ibang FIBA 3x3 World Tours.

Makakasama ni Munzon sa misyong maiangat ang Dyip franchise si James Laput, No. 8 pick ng koponan sa 2021 PBA Rookie Draft noong Linggo.

Katulad ni Munzon ay pumirma na rin ng three-year max deal ang 6-foot-10 big man na si Laput na siyang pinakamalaking rookie sa 2021 draft class.

Nakuha ng Terrafirma ang rights sa 8th pick na ginamit nila kay Laput mula sa San Miguel bilang bahagi ng package sa Perez trade.

Gagabay sa dalawang bagito ang mga beterano ng koponan na sina Aldrech Ramos, Matt Ganuelas-Rosser, Eric Camson, RaShawn McCarthy at Roose-velt Adams, na siyang No. 1 pick din ng Terrafirma noong 2019 draft.

Kagagaling lang ng Dyip sa masaklap na 1-10 kampanya noong 2020 Season na ginanap sa loob ng bubble sa Clark, Pampanga bunsod ng pandemya.

 

Show comments