Striegl bagsak kay Nurmagodemov

MANILA, Philippines – Bigo si Fil-American Mark ‘Mugen’ Striegl sa kanyang debut sa Ultimate Fighting Championship (UFC).

Ito ay matapos matalo si Striegl laban kay Said Nurmagodemov ng Russia sa first round sa UFC Fight Island card kahapon sa Yas Island ng Abu Dhabi.

Bumagsak si Striegl, ang gold medal winner sa sambo competition ng 30th Southeast Asian Games noong Disyembre, matapos tamaan ng left hook sa ulo na nagresulta sa pagrapido sa kanya ng Russian fighter.

Itinigil ng referee ang  laban sa unang 51 segundo ng opening round.

“When I got him on the left hook, he shot for the legs. I was thinking of actually doing a guillotine then I heard my coach saying, ‘No, no, no, you hurt him. Just keep punching.’ I threw a few punches from the bottom,” ani Nurmagodemov kay Striegl. “He fell and I finished him.”

Ito ang ikatlong kabiguan ng 32-anyos na si Striegl sa kanyang 21 mixed martial arts fights at una sa UFC habang pinaganda ni Nurmagodemov ang kanyang marka sa 14-2.

Nagkaroon si Striegl ng coronavirus disease (COVID-19) na dumiskaril sa kanyang UFC debut noong Agosto 22.

Sa kanyang pagsagupa kay Nurmagodemov sa kanilang bantamweight bout ay kitang-kita ang pagkagigil ni Striegl na makapagtala ng impresibong panalo na sinamantala ng Russian.

Sa pagsugod ni Striegl ay nagpakawala si Nurmagodemov ng counter left punch na dumapo sa ulo ng Fil-Am fighter.

Nang bumagsak si Striegl ay kaagad siyang dinaganan ni Nurmagomedov at nagpaulan ng malalakas na suntok na nagpuwersa sa referee na ihinto ang nasabing laban.

 

Show comments