Isa sa mga tinamaan ng husto ng coronavirus pandemic ay ang propesyon ng mga kaibigan namin na sports photographers.
No play, no shoot.
Hindi lang ito kawalan ng kita kundi kawalan ng subject ng kanilang passion.
“Dalangin ko ay sana magbukas na ulit ang PBA,” ani Tony Lu, isa sa mga beteranong basketball fotogs na inip na inip nang makakitang muli ng basketball action na kanyang naging buhay sa mahabang panahon.
At siyempre, masakit na ang kanilang bulsa.
“Malaki ang problema ko sa ngayon, unang-una sa mga bayarin ko gaya ng malaking bills sa Meralco, tubig, renta sa bahay at mga gamot ko,” ani Tony. “Nakikiramay din ako at nalulungkot sa pagpanaw ni Boss Danding Cojuangco, isa sa pinakamalaki ang naitulong sa akin. Nais ko man dumalaw kay Boss Danding ay hindi ko nagawa dahil ‘di naman pinapayagan lumabas ang mga seniors na kagaya ko.”
Ang siste ay kung makabalik man ang ilang sports events, ang tanong ay ibubukas ba ito sa publiko at sa mga sports writers at fotogs?
Dagok sa sports ang pangyayari sa tennis event ni Novak Djokovic.
Nagbara-bara sila sa paghahatid ng special event at nangyari nga ang pagsambulat doon ng coronavirus. Tuloy, sa halip na maging ehemplo ay galit ng maraming tao ang inabot ni “Djoko” na nagpositibo sa COVID.