Ang mga gaya nina Ricky Brown, Hector Calma, Samboy Lim at Allan Caidic ang mga basketball players na direktang nakaranas ng kabutihan ni SMC chairman Danding Cojuangco.
Lahat sila ay nag-post at pahabaan ng tribute sa pagpanaw ni Mr. ECJ sa edad na 85 noong Lunes ng gabi.
Pero hindi limitado sa mga NCC at SMC players ang natulungan ni Cojuango. Ito’y lubos na napa-karami sa pamamagitan ng Philippine Amateur Basketball League noong dekada 80 at 90.
Isa ito sa mga unang programa ni Cojuangco nang i-appoint ni Pangulong Ferdinand Marcos na project director for basketball.
Maliban sa mga Fil-foreign direct-hired players, lahat ng PBA players noon ay dumaan sa PABL (na naglaon ay naging PBL) at lahat ay nakinabang sa liga na pumuno sa puwesto ng tumuping Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA).
PABL ang nagsilbing jump-off league para sa mga collegiate players na nag-aambisyon na makarating sa PBA.
Sa test tourney noong 1983, hindi bababa sa 37 collegiate at commercial teams ang lumahok, kung saan La Salle ang nagkampeon. At bago natapos ang 1983, idinaos ang Founder’s Cup kung saan Arellano U naman ang nag-uwi ng tropeo.
May mga taon na mas apaw pa ang tao sa PABL kaysa sa PBA lalo na sa kasagsagan ng Visayan quintets na Mamas Love at Lhuillier Jewellers.
At inalagaan din ni Cojuangco ang mga mano-nood. “Major sponsor ang SMC at may pa-raffle na isang truck na beer at kotse,” balik tanaw ni SMC official Robert Non.
Ang malaking papel na ginampanan ng PABL ay kasama sa legendary legacy na iniwan ni Mr. ECJ.