MANILA, Philippines – Apat na Pinoy boxers ang awtomatikong umusad sa second round matapos makasiguro ng opening-round byes sa 2020 Asia-Oceania Continental Olympic Qualifying Tournamnet sa Prince Hamzah Hall sa Amman, Jordan.
Masuwerteng nabiyayaan ng byes sina AIBA Women’s World Championship gold medalist Nesthy Petecio, AIBA Men’s World Championship silver winner Eumir Felix Marcial, James Palicte at Carlo Paalam sa kani-kanilang dibisyon.
Makakasagupa ni Petecio ang mananaig kina Indonesian Silpa Lau Ratu at Sri Lankan Krismi Ayoma Lankapurayalage sa women’s 54-57 kg. division at naghihintay din si Marcial sa magwawagi kina Leong Tai Kan ng Hong Kong at Kirra Ruston ng Australia sa men’s middleweight class.
Sa kabilang banda, makakatipan ni Palicte si Elnur Abduraimov ng Uzbekistan sa men’s light welterweight at aariba si Paalam kay Ramish Rahmani ng Afghanistan sa men’s flyweight.
Kasama rin sa delegasyon sina Riza Pasuit, Irish Magno at Ian Clark Bautista na sasalang sa kani-kanilang first-round bouts.
Lalabanan ni Pasuit si Hamamoto Saya ng Japan sa women’s lightweight, makakatapat ni Magno si Winnie Yin Yin Au ng Hong Kong sa women’s flyweight at aariba si Bautista kay Hayato Tsutsumi ng Japan sa men’s featherweight.