MANILA, Philippines — Dalawang dating PBA team owners, kasama ang isang founding member ng liga, ang gagawaran ng posthumous recognition sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Nasa unahan ng listahan ang mga pangalan ng yumaong billionaire at philanthropist na sina John Gokongwei Jr. at Lucio ‘Bong’ Tan Jr..
Ang dalawa ay kasama sa 15 pumanaw na personalidad na bibigyan ng short video ng pinakamatandang media organization sa Marso 6.
Ang 93-anyos na si Gokongwei, may-ari ng CFC Corporation (ngayon ay Universal Robina Corporation) franchise ay isa sa mga founding members ng PBA nang ilunsad ito noong 1975.
Naglaro ang prangkisa gamit ang mga brand names na Presto, N-Rich, Great Taste at Tivoli at nanalo ng kabuuang anim na PBA championships sa loob ng 17 taon sa liga.
Ang 53-anyos namang si Tan ay ang basketball-loving owner ng Tanduay franchise na bumalik sa PBA noong 1999.
Pumanaw si Tan noong Nobyembre 11 dalawang araw matapos si Gokongwei.
Pararangalan din sina national team standouts at sports officials Claro Pellosis, Florendo Ritualo, Sr., Susan Papa, Angelo Constantino, Rafael Poliquit at Mark Joseph.