MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon pa rin ng sapat na firepower ang pilay na San Miguel sakto sa pagbubukas ng 2020 PBA Philippine Cup.
Ito ay ang namumurong paglalaro rin ni Terrence Romeo sa 45th PBA Season opener sa Marso 8 kung saan masusubukan ang Beermen kontra sa sibling rival na Magnolia sa Smart Araneta Coliseum.
Nabawasan na ang pamamaga ng sprained right ankle injury ng scorer na si Romeo na natamo niya sa tune-up game ng SMB kontra sa Phoenix.
Ayon kay Romeo, umaasa siyang sakto ang tuluyang paggaling ng kanyang injury higit isang linggo bago ang unang laban nila para sa misyong mapagharian ang All-Filipino Conference sa ikaanim na sunod na season.
Sa katunayan ay unti-unti nang nag-eensayo si Romeo kasama ang mga Beermen.
Magandang senyales ang development ni Romeo sa San Miguel na nadale ng sunud-sunod na injury sa off-season.
Isa na rito si Marcio Lassiter na nangako ring handang maglaro kahit pa nagtamo ng fractured noise sa isang practice game din ng Beermen.
Subalit pinakamalala ang nangyari sa pambato ni coach Leo Austria na si five-time PBA June Mar Fajardo na mawawala ng hanggang dalawang conferences ngayong season.
Sumailalim na sa surgery si Fajardo bunsod ng natamong complete fracture.