MANILA, Philippines — Matapos ang ilang buwan na paghihintay, magsisimula nang pumalo ang pinakabagong season ng Philippine Superliga (PSL) Grand Prix ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Unang handog na laro ang tapatan sa pagitan ng Petron Blaze Spikers at Generika-Ayala Lifesavers sa alas-5 ng hapon at susundan ng bakbakang PLDT Power Hitters at Sta. Lucia Lady Realtors sa alas-7 ng gabi.
Sisimulan ng Blaze Spikers ang kampanya para sa inaasam na ‘three-peat’ sa pagpaparada sa mga bagong mukha sa kanilang line-up matapos sumailalim sa ilang buwang revamping ang koponan.
Aasahan ni bagong Petron head coach Emil Lontoc si American reinforcement Khat Bell at mga natirang manlalaro na sina Aiza Maizo-Pontillas, Ces Molina at Rem Palma kasama ang mga recruit na sina Jem Gutierrez, Ging Balse-Pabayo at Lut Malaluan.
Samantala, hindi magpapahuli ang Generika-Ayala na tinapik ang serbisyo ni national men’s volleyball coach Dante Alinsunurin bilang assistant at babanderahan ni import Vicet Campos kasama sina Rhea Dimaculangan, Mina Aganon, Eli Soyud at Chinchin Basas.
Inaasahan naman na magpapabilib ngayong import-laden conference ang bagong bihis na Sta. Lucia na ipaparada ang prize-recruit nilang sina Mika Reyes at Jessica Vestal at si Canadian import Shainah Joseph na nagpakilala sa pre-season league noong nakaraang buwan.
Bagama’t nalagasan ng magagaling na manlalaro sa kanilang kampo ay buo pa rin ang loob ng PLDT na kakayanin nilang makipagsabayan sa lahat ng tropa na kasali sa liga sa pangunguna ni French import Maeva Orle katuwang sina Shola Alvarez, Aiko Urdas, Jorelle Singh at Menchie Tubiera.
Magkakaroon muna ng maiksing palatuntunan para opisyal na buksan ang panibagong taon ng torneo na mag-uumpisa sa alas-4 ng hapon.