MANILA, Philippines — Nalipat sa mas mahinang grupo ang Pilipinas sa 2020 Badminton Asia Manila Team Championships na lalarga ngayon sa Rizal Memorial Coliseum.
Mula sa naunang solidong Group A noong nakaraang buwan kasama ang nagdedepensang Indonesia at No. 5 ranked team na India ay makakasama na ng Philippine men’s team ang Chinese-Taipei at Singapore sa Group C.
Ito ay matapos ang isinagawang redraw kahapon sa Century Park Hotel.
Binubuo nina Joper Escueta, Ariel Magnaye, Alvin Morada, Solomon Padiz Jr., Paul John Pantig, Ros Pedrosa, Arthur Salvado at Lanz Zafrahe ang Filipino shuttlers.
Sasalang kaagad sila kontra sa Taipei ngayong alas-4 ng hapon sa Court 1.
Napilitan ang Badminton Asia na magsagawa ng redraw matapos umatras ng China, Hong Kong at India women’s team.
Ito dahil sa 2019 novel coronavirus outbreak.
Nasa Group B naman ng India, Malaysia at Kazakhstan at swak kaagad sa next round ang Indonesia at Korea ng Group A gayundin ang Thailand at Japan sa Group D.
Nagrupo naman sa Pool Y ang Philippine women’s team kasama ang Thailand at Indonesia.
Bibida naman sa Pinay badminton aces sina Nicole Albo, Sarah Barredo, Mika De Guzman, Geva De Vera, Ysay Leonardo, Chanelle Lunod, Bianca Carlos at Thea Pomar.
Sasagupain nila ang Thailand sa alas-10 ng umaga sa Court 1 din.
Samantala, tiniyak ng Badminton Asia at Philippine Badminton Association ang kaligtasan ng mga manlalaro at fans sa pagpapatuloy pa rin ng naturang continental meet na suportado ng SMART Communications Inc., MVP Sports Foundation, Leisure and Resorts World Corporation, Cignal at TV5.
“We can assure to the players and the Filipino people that their safety is put on a premium to ensure the world-class staging of this event,” pahayag ni PBA secretary-general Christopher Quimpo.