Alab Pilipinas isusunod ang Malaysia

MANILA, Philippines — Ikatlong sunod na tagumpay ang susubukang masikwat ng Alab Pilipinas ngayon sa pagdayo nito sa Wesports Malaysia Dragons para sa umiinit na eliminasyon ng 2019-2020 ASEAN Basketball League sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur.

Wala pa halos pahinga ang Philippine team ngunit sasabak agad ulit sa aksyon sa alas-8 ng gabi para sa tsansang makapuwersa ng tabla sa Mono Vampire sa unahan ng team standings.

Hawak ang 8-4 kartada, nasa likod lang ng lider na Mono Vampire (9-4) ang San Miguel-backed franchise ngayon.

Lalong nakalapit ang Alab sa tuktok ng team standings lagpas kalahati na sa eliminasyon matapos makasungkit ng isa na namang dikit na panalo kamakalawa ng gabi.

Sa pangunguna ng bagong lider na si Jason Brickman, umeskapo ang Alab kontra sa Singapore Slingers, 86-77 sa overtime sa Sta. Rosa, Laguna kasunod ng pambihira rin nilang 100-92 OT win kontra sa Mono Vampire noong nakaraang Huwebes sa Bangkok.

Matamis din itong higanti ng Alab sa Singapore na tinambakan sila noong nakaraang buwan, 64-85.

Kontra sa Malaysia na sasandal sa homecrowd nito, muling aatasan ni coach Jimmy Alapag si Brickman na kumamada ng 16 puntos, apat na rebounds, limang assists at dalawang steals.            .

Susuporta sa kanya ang steady import na si Nick King na naglista ng 20 puntos habang nakahanda rin umalalay ang iba pang world reinforcements na sina Sam Deguara at Prince Williams.

Hindi rin pahuhuli ang iba pang local standouts ng koponan na sina Jeremiah Gray, Lawrence Domingo at Brandon Rosser upang makasingit sila sa no.1 spot na magpapalakas sa hangarin nilang mabawi ang ABL crown ngayon.

Kampeon ng ABL ang Philippine club noong 2018 subalit nalaglag agad sa quarterfinals noong nakaraang taon para sa kanilang nabigong title defense.

Nasa ikapitong puwesto naman ang Dragons ngayon tangan ang 4-5 kartada at kagagaling lang sa dikit na 79-85 kabiguan kontra sa Formosa Dreamers kaya’t siguradong gigil na makabawi agad kontra sa bisitang Alab.

Show comments