‘Bata’ Reyes bibigyan ng psa lifetime achievement award

Efren ‘Bata’ Reyes

MANILA, Philippines — Matapos sina bowling great Bong Coo at cycling champion Paquito Ri­vas ay si billiards le­gend Efren ‘Bata’ Reyes naman ang tatanggap ng pa­rangal.

Nakatakdang igawad sa tinaguriang ‘The Magician’ ang Lifetime Achievement award ng Philippine Sportswri­ters Association (PSA) sa traditional SMC-PSA Awards Nights sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Si Reyes ay ang three-time winner ng PSA Ath­lete of the Year trophy no­ong 1999, 2001 at 2006.

Magsisilbi ring special guest speaker ang tubong Mexico, Pampanga sa nasabing gala night na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association (PBA) at Rain or Shine.

Si Reyes ang ikala­wang sunod na atletang ma­giging guest speaker sa event matapos si Olympic gymnast Bea Lu­cero no­ong nakaraang taon.

Pinagkakaguluhan pa rin  si Reyes bilang isa sa mga bituin sa Philippine sports sa kabila ng pagi­ging 65-anyos.

Sa nakaraang 30th Southeast Asian Games ay tumumbok si Reyes ng bronze medal sa men’s carom (1 cushion) para idagdag sa 11 medalya ng koponan sa nasabing biennial meet.

Ang Team Philippines ang gagawaran ng Athlete of the Year award ng pinakamatandang media organization matapos angkinin ang overall championship ng 2019 SEA Games. 

Mahaba ang listahan ng mga nakuhang kara­ngalan ni Reyes.

Ilan dito ay ang pag­hahari sa world championships sa dalawang mag­kaibang pool disciplines, pag-angkin sa mga korona ng world eight-ball at world nine-ball championships.

Siya rin ang unang non-American na nagwa­gi sa US Open 9-Ball Championship at naging unang inaugural winner ng World Cup of Pool katuwang ang kumpareng si Francisco ‘Django’ Bus­tamante.

Si Reyes ang ikinu­kun­siderang winningest player sa kasaysayan ng Annual Derby City Clas­sic mula sa kanyang limang titulo.

Nakuha niya ang pi­nakamalaking premyo sa history ng pocket billiards matapos dominahin ang IPT World Open 8-Ball Championship na nagkakahalaga ng $500K.

 

Show comments