Pasig pasok sa playoffs; Bicol at Cebu humihirit ng tsansa

Biñan City, Laguna, Philippines — Umabante ang Pasig-Sta. Lucia sa playoffs ng North division, habang pi­nalakas naman ng Bicol-LCC Malls at Cebu Ca­sino Ethyl Alcohol ang kanilang mga tsansa para sa pang-walo at hu­ling playoff slot sa South sa Chooks-to-Go MPBL Lakan Season kamakalawa ng gabi dito sa Alonte Sports Arena.

Pinataob ng Realtors ang Navotas Uni-Pak Sar­dines, 107-100, para ita­as ang kanilang record sa 17-11 at higpitan ang hawak sa seventh spot.

Tinakasan naman ng Bicol Volcanoes ang Quezon City Capitals, 89-87, para buhayin ang kanilang pag-asa sa playoffs.

Ito rin ang ginawa ng Cebu Sharks makaraang gibain ang Imus Bandera, 101-76, sa round-robin eliminations ng 31 koponan.

Nakahugot ng double digits mula kina Ronjay Buenafe, Jerome Garcia, Alwyn Alday, Chris Lalata at Jonathan Aldave, pinaganda ngVolcanoes ang kanilang baraha sa 15-3 para manatili sa No. 8 kasunod ang No. 9 Sharks na may 13-13 marka.

Pinamunuan naman ni Jeric Teng ang mga Realtors mula sa kanyang 30 points, 8 rebounds, 4 assists at 2 blocks.

Nagdagdag si Josan Nimes ng 22 points, habang may tig-15 at 12 markers sina Robbie Manalang at Argel Mendoza at Leo Najorda, ayon sa pagkakasunod.

Nahulog naman ang baraha ng Navotas, nakahugot ng 18 points kay Osama Abdurasad, sa 7-22.

Show comments