MANILA, Philippines — Kabuuang 137 aplikante kabilang na ang 17 Fil-Foreigners ang susubok na makalapit ng isang hakbang mula sa kanilang pangarap na paglalaro sa Philippine Basketball Association sa idaraos na 2020 PBA-Developmental League Draft sa Libis, Quezon City.
Inaasahang mangunguna si dating De La Salle University wingman Jamie Malonzo sa nasabing annual proceedings matapos ang pambihirang ‘one-and-done’ career sa Green Archers noong nakaraang 82nd UAAP Season.
Nagrehistro ang dating Portland State standout ng mga averages na 14.6 points at 9.2 rebounds para sa nasabing kampanya ng Green Archers upang makasali sa prestihiyosong UAAP Mythical Five na nagresulta rin sa pagkakasama niya sa Gilas Pilipinas pool at pati na sa Mighty Sports roster para sa 31st Dubai International Basketball Tourney.
Ang AMA Online Education ang siyang pipili sa overall top pick sa ikaapat na sunod na taon matapos sikwatin bilang No. 1 selection sina Jeron Teng, Owen Graham at Joshua Munzon sa nakalipas na tatlong taon sa PBA D-League Draft.
Kukuha naman ng second at third picks, ayon sa pagkakasunod, ang Foundation Cup runner-up na Marinerong Pilipino at ang Aspirants’ Cup na bridesmaid Centro Escolar University Scorpions.
Isa rin sa inaasahang babandera sa naturang draft sina Jaydee Tungcab at Jaybie Mantilla ng UP Fighting Maroons, Jollo Go ng La Salle Green Archers, Jerie Pingoy ng Adamson Falcons, John Apacible ng UE Red Warriors, Judel Fuentes ng CEU Scorpions at Darrell Menina ng UC.
Kasali rin ang Fil-Foreign applicants na sina James Spencer, JJ Espanola, David Murrell ng UP at dating La Salle player Joshua Torralba ng La Salle.
Ang iba pang D-League teams sa unang komperensya na Aspirants’ Cup ay EcoOil-DLSU at Mapua, Enderun Colleges, Diliman College, TIP, San Sebastian, FEU, UAAP runner-up na UST Growling Tigers at NCAA champion na Letran Knights.