MANILA, Philippines — Hahataw ang 6-Pinoy cue masters sa prestiyosong 22nd Annual Derby City Classic na tatakbo mula Enero 24 hanggang Pebrero 1 sa Caesars Southern Indiana Casino and Hotel sa Elizabeth, Indiana.
Nangunguna sa listahan si legendary cue master Francisco “Django” Bustamante na nakatakdang ipagtanggol ang kanyang titulo sa One-Pocket event na dalawang taon na nitong hawak (2018 at 2019).
Pakay din ni Bustamante na muling mabawi ang All-Around championship crown na huli nitong nahawakan noong 2018 edisyon.
Makakasama ni Bustamante sa kampanya si 2018 All-Around at 9-Ball champion Dennis Orcollo na sariwa pa sa matamis na pagsungkit ng ginto sa men’s 10-ball pool singles sa 2019 Southeast Asian Games.
Masisilayan din sa aksiyon si dating world champion Carlo Biado na nakatakdang ibuhos ang lahat sa taong ito matapos mabigong maipagtanggol ang korona sa men’s 9-ball pool singles sa SEA Games at magtapos ng runner-up sa 2018 at 2019 edisyon ng World 9-Ball Championship.
Nagkampeon si Biado noong 2017 World 9-Ball.
Inaasahang masisilayan din sa aksiyon sina 2018 Bigfoot champion Roberto Gomez, 2016 All-Around champion Alex Pagulayan at 2015 9-ball champion Warren Kiamco.
Magbabalik din sina 2019 champions Skyler Woodward ng Amerika (All-Around at 9-ball), Chang Jung-Lin ng Chinese-Taipei (Bigfoot) at Billy Thorpe ng Amerika (9-Ball Banks) para depensahan ang kanilang titulo.
Maglalaban-laban ang mga kalahok sa apat na events - 9-Ball Banks, 9-Ball, Bigfoot at One Pocket – kung saan ang manlalarong makakalikom ng mataas na puntos matapos ang apat na events ang tatangha-ling All-Around champion.