May bagong record si Wilson

MANILA, Philippines — Isa na namang record ang inilista ni John Wilson nang hirangin ito bilang unang MPBL player na nagtala ng 1,000 points matapos akayin ang San Juan Knights sa 109-99 panalo laban sa Pasig-Sta. Lucia Realtors sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Hawak na ang single game record na 44 points, nakamit ng 2009 NCAA MVP ng Jose Rizal Heavy Bombers ang 1,000-point plateau sa kanyang naitalang 24 points.

Nagtala rin siya ng 5 rebounds at 4 assists para igiya ang Knights sa ika-22 panalo sa 25 laro sa North division.

Ang triple ng 32-anyos na 6-foot-2 shooter sa hu-ling 4:35 minuto ng first period ang nagbigay sa kanya ng ika-1,000 points.

Bilang pagkilala sa kanyang naabot ay ibinigay kay Wilson ang game ball ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes sa halftime break.

Nag-ambag naman si Mike Ayonayon ng 18 points, 8 rebounds at 5 assists habang may tig-12 markers sina Jhonard Clarito, Art Aquino at Orlan Wamar, ayon sa pagkakasunod, para sa San Juan team ni coach Randy Alcantara.

Nahulog naman ang Realtors sa 14-11 kasos-yo sa seventh hanggang eighth spots ang Caloocan Supremos sa kabila ng 31-point, 9-rebound, 6-assist effort ni Jeric Teng.

Samantala, tinalo ng Bacoor Strikers ang Muntinlupa Cagers, 98-67 at ginulat ng Bacolod Master’s Sardines ang Basilan Steel, 96-89.

Nakahugot ng triple-double (13 points, 12 rebounds, 10 assists) kay Gab Banal, kinuha ng Bacoor ang kanilang ika-anim na sunod na panalo para sa 21-5 slate sa ilalim ng Davao Occidental (20-3) sa South division.

Nahulog naman ang Muntinlupa sa 7-20.

Show comments