MANILA, Philippines — Noong nakarang taon lang sumalang sa pista ang Union Bell at hindi ito nakatikim ng talo.
Nanalasa ang Union Bell noong 2019, namayagpag sa Philippine Racing Commission (Philracom) Juvenile Championship kamakailan sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sapat para ideklara siya ng kanyang stable na handa na para sa Triple Crown series ngayong taon.
Sa panalo ng Union Bell (sakay si jockey Jonathan B. Hernandez) ang ikaapat na sunod na panalo sa Juvenile series para sa mga two-year-old horse, nasilo ng owner nitong si Elmer de Leon ang championship purse na P1.5 million.
“Bagong idolo si Union Bell, mainam na kabayo at sana mas mag umento ngayong taon,” hayag ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the year awardee Hernandez.
Sinimulan ng two-year-old colt ang ratsada nang manalo ng five-length win sa 1st leg ng Juvenile Fillies and Colts Stakes Race sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite noong Oktubre at sinundan pa ng tagumpay sa 2nd leg na ginanap naman sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas noong Nobyembre.
Kinumpleto ni Union Bell ang ratsada nang magwagi rin sa Juvenile Colts Stakes Race sa San Lazaro Leisure Park nitong Disyembre at isinunod pa ang last race ng PHILRACOM bago tumiklop ang taong 2019.
“Puweda na sa Triple Crown si Union Bell mas magaling ito this year,” sabi ni Hernandez. “Ang instruction sa akin, bahala na lang ako, so ang desisyon ko, inuna ko na noong magkaroon ng pagkakataon, para at least, kapag gumigil siya, nasa harapan ko siya.”
Pumangalawa si Exponential (jockey PM Cabalejo/owner Raymund Puyat) para sa P562,500 premyo at tersero si Lucky Savings (jockey JA Guce/ owner Antonio Coyco) na may premyong P312,000.
Biniyayaan ni Philracom Executive Director Andrew Rovie Buencamino ang tropeo sa winning connection ni Union Bell sa pangunguna nina De Leon at Hernandez.
Nagbigay ang PHILRACOM ng total guaranteed pot na P2.5 million sa naturang 1,600-meter race.