MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni veteran power forward Zach Randolph ang kanyang pagreretiro na tumapos sa makulay niyang 17-year NBA career.
Tinawag na ‘Z-Bo’, napili ang big man ng Portland Trail Blazers bilang 19th overall pick noong 2001 NBA Draft mula sa Michigan State.
Isinara ng 38-anyos na si Randolph ang kanyang career na may 18,578 points at 10,208 rebounds.
“I gave this game my all, and it gave everything back and more,” pahayag ni Randolph sa kanyang official statement na nakaposte sa Twitter.
Si Randolph ay two-time All-Star at nahirang na NBA Most Improved Player noong 2003-04 season.
Bukod sa Trail Blazers, naglaro din si Randolph para sa New York Knicks, Los Angeles Clippers, Memphis Grizzlies at Sacramento Kings.
Tumipa siya ng mga averages na 16.6 points at 9.1 rebounds.
Huli siyang naglaro noong Marso ng 2018 at walang kumuhang koponan ngayong season.
Negatibo ang naging reputasyon ni Randolph sa unang bahagi ng kanyang career bago siya nagtagumpay sa walong season na paglalaro para sa Grizzlies.