MILWAUKEE -- Kahit dalawang superstars pa ay hindi inurangan ni Giannis Antetokounmpo.
Humakot si Anteto-kounmpo ng 34 points at 11 rebounds para banderahan ang Bucks sa 111-104 paggupo sa Los Angeles Lakers sa showdown ng dalawang NBA top teams.
Kumolekta din si Antetokounmpo ng 7 assists at career-best na limang three-pointers habang nagdagdag si George Hill ng 21 points para sa Milwaukee.
Pinaganda ng Bucks ang kanilang record sa 25-4 matapos mapigilan ang 18-game winning streak laban sa Dallas Mavericks noong Lunes.
Tumapos naman si LeBron James na may 21 points, 12 rebounds at 11 assists para sa kanyang pang-pitong triple-double ngayong season sa panig ng Lakers.
Nagtala si Anthony Davis ng 36 points at 10 rebounds para sa Los Angeles na nalasap ang pang-limang kabiguan sa 29 laro.
Sa Los Angeles, humataw si Russell Westbrook ng season-high na40 points at nag-ambag si James Harden ng 28 markers para pamunuan ang 122-117 panalong Houston Rockets laban sa Clippers.
Bumangon ang Houston mula sa 16-point deficit sa second half para agawin ang panalo sa Los Angeles.
Tinapos ng Rockets ang 10-game home winning streak ng Clippers.
Binanderahan ni Paul George ang Los Angeles sa kanyang 34 points kasunod ang 25 markers ni Kawhi Leonard.
Sa Atlanta, umiskor si Donovan Mitchell ng 30 points para ihatid ang Utah Jazz sa 111-106 paggupo sa Hawks.
Ang drive ni Mitchell sa huling 3:47 minuto ng fourth quarter ang nagbigay sa Utah ng 101-99 bago niya selyuhan ang kanilang panalo mula sa dalawang free throws sa natitirang 13 segundo.