MANILA, Philippines — Lalong pinalakas ng Mighty Sports ang youth core nito sa pagdagdag kay NU star Dave Ildefonso para sa nalalapit na kampanya sa 31st Dubai International Basketball Championship.
Inanunsyo ni coach Charles Tiu kahapon ang pagkakasali ni Ildefonso sa Mighty Sports para sa Dubai tourney na nakatakda mula Enero 23 hanggang Pebrero 1.
Sasamahan ni Ildefonso, anak ng PBA legend na si Danny, ang iba pang rising stars na sina Juan at Javi Gomez de Liano gayundin si Filipino teen tower sensation Kai Sotto.
Inaasahan ni Tiu sa 6’5 wingman na si Ildefonso ang galing nito sa parehong opensa at depensa para sa Mighty lalo’t kagagaling lang nito sa impresibong kampan-ya sa UAAP Season 82.
Bagama’t hindi nakapasok ang Bulldogs sa Final Four, magilas ang naging performance ng 19-anyos na teen star sa narehistro nitong 17.1 points, 5. 9 rebounds at 2.1 assists.
Nagpakitang-gilas din si Ildefonso sa international stage ngayong taon nang trangkuhan ang Gilas Pilipinas youth sa 14th place finish sa 2019 FIBA U19 World Cup sa likod ng average na 16.6 markers, 5.4 rebounds at 3.7 assists sa pitong laro.
Sa Mighty ay makakasama ulit ni Ildefonso ang dating Ateneo teammate na si Sotto na naging katambal niya sa pagbuhat sa Philippine youth team sa Asian at world championships sa mga nakalipas na taon.
Makikilatisan sina Sotto at Ildefonso kontra sa mga beterano ng pinakamagagaling na Asian ball clubs tulad ng Alittihad Alexandria Club ng UAE, Alwathba Sports ng Syria at UAE national basketball team.
Marami pang koponan ang inaasahang sasali sa torneo na maganda ang naging kampanya ng Philippine representative na Mighty noong nakaraang season nang maibulsa ang bronze medal.
Sa hangaring malagpasan ito ngayon, nakatakdang humanap pa si Tiu ng dagdag na local aces at imports sa Mighty squad na suportado rin ng eMedsure at Go For Gold.