MANILA, Philippines — Kung ang Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ang tatanungin, ang kakulangan sa preparasyon ang naging ugat kung bakit kinapos ang national women’s team sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.
Kinulang ang pambato ng Pinas sa inaasam na pagtuldok sa 14-year medal drought sa women’s indoor volleyball event ng biennial meet nang takasan sila ng Indonesia sa bakbakan para sa bronze medal, 20-25, 26-24, 14-25, 25-20, 14-16.
Aminado si LVPI board chairman at national team program head Peter Cayco na talagang kulang ang oras na inilaan ng Nationals para mas maging intact at buo ang tropa dahil na rin sa kani-kanilang obligasyon sa mga mother clubs nila.
“They lack the time to jell together. Kulang talaga, kulang ng time. Talagang hindi ko sila masisisi, hindi naman sila puwedeng mag-practice twice a day, mabu-burnout iyan,” sabi ni Cayco. “Hindi mo puwedeng puwersahin naman eh. And with their contractual obligations. Ipit sila talaga. Maski gusto nila, wala silang magawa eh.”
Isa rin sa nakikitang problema ni Cayco ang pagkakasabay ng schedule ng Premier Volleyball League (PVL) at ng Philippine Superliga (PSL) na pahirap sa national team members.
Gagawa ng paraan ang LVPI para magkasundo ang dalawang liga at ang una sa kanilang plano ay ayusin ang playing calendar ng mga ito.
Pipilitin din nilang maituloy ang isang ‘crossover’ event kung saan papayagan nilang maglaro ang mga miyembro ng national team sa parehong liga bilang bahagi ng paghahanda at pagsasanay.