MANILA, Philippines — Tunay na maaasahan ang national billiards and snooker team sa pagbibigay ng gintong medalya sa mga international competitions.
Sa katatapos lang na 2019 Southeast Asian Games, natumbok ng mga Pinoy cue artists ang apat na ginto, tatlong pilak at limang tansong medalya para dominahin ang naturang event.
Nanguna sa impresibong kampanya ng Pilipinas sina dating world champion Rubilen Amit at Chezka Centeno na sumargo ng tigalawang ginto at tig-isang silver sa kani-kanyang events.
Nakumpleto ng dalawa ang 1-2 punch sa women’s 10-ball pool singles kung saan nagkampeon si Centeno matapos igupo si Amit sa finals.
Muling itinarak ng Pinay duo ang 1-2 finish sa women’s 9-ball pool singles ngunit sa pagkakataong ito, nagkamit ng ginto si Amit matapos makaresbak kay Centeno sa kanilang paghaharap sa gold-medal match.
“Sabi nga nila nung una, pag-usapan na lang daw kung sino ang maggo-gold sa ganitong event since kami naman pareho ang nasa finals. Pero hindi namin ginawa bilang respeto sa sport. Kung talagang siya, siya. Kung ako, ako,” ani Amit na two-time World 10-Ball champion.
Nagsanib-puwersa pa sina Centeno at Amit sa pagsikwat ng women’s 9-ball pool doubles para magarbong tapusin ang kanilang kampanya sa biennial meet.
Napigilan naman ni dating world champion Dennis Orcollo na ma-shutout ang men’s team makaraang pagharian nito ang men’s 10-ball pool singles.
Maliban sa dalawang pilak nina Centeno at Amit, nakapilak din sina Alvin Barbero at Jeffrey Roda sa men’s snooker doubles.
May tanso naman sina Jeffrey Ignacio at Warren Kiamco (men’s doubles), Carlo Biado at Johann Chua (men’s doubles), Efren “Bata” Reyes, (men’s 1-cusion carom), Francisco Dela Cruz (men’s 1-cusion carom) at Roda (men’s snooker singles).