Kampeon ang Pinas

MANILA, Philippines – Tuluyan nang inangkin ng Pilipinas ang ikalawang overall title sa Southeast Asian Games na magtitiklop ng ika-30 edisyon ngayon sa New Clark City sa Pampanga.

Sa huling araw ng kompetisyon kahapon, humakot pa ang Pinas sa athletics,  jiu-juitsu, shooting, eSports basketball at soft tennis ngunit hinihintay pa ang result ng late gold medal matches kagabi.

Sa 13 finals events ng athletics kagabi, dalawang gold ang napanalunan ng Phl track and field team as of 7 p.m. kagabi sa pangunguna ni Eric Cray na kumopo ng kanyang ikalawang gold sa 400m mens hurdles matapos makasama sa gold-winning mixed relay team, pambawi sa kanyang pagkaka-disqualify sa men’s 100m run kung saan siya ang paboritong manalo. Naka-gold din si Aries Toledo.

Muli namang nag-deliver ang Phl kickboxing team kahapon sa panalo nina Gina Iniong sa women’s light -55kg class at Benguet pride Jean Claude Saclag sa men’s -63kg. low kick matapos manalo ang kababayan nitong si Jerry Olsim sa -69kg kick light event kamakalawa sa Cuneta Astrodome.

Nanalo sina Adrian Rodolfo Erwin Guggenheim at Annie Ramirez sa men’s under 77 kilogram at women’s under-55kg ayon sa pagkakasunod sa jiu-jitsu competition  sa Laus Group Event Center.

Ikatlong gold mula sa esports competition ang inihatid ni Caviar Napoleon “EnDerr” Acampado ng Team Sibol sa kanyang panalo sa StarCraft II  matapos talunin si Singaporean Thomas “Blysk” Kopankiewicz, 4-1, sa Zerg vs. Protoss gold medal match sa San Juan Arena  dagdag sa gold ng Mobile Legends: Bang Bang team at Dota 2.

Isa pang gold ang nasapol ng Phl men’s trap team nina Eric Ang, Carlos Carag at Hagen Alexander Topacio sa shooting competition sa Subic.

Double victory ang itinala ng men’s at women’s Gilas teams sa pag-sweeep ng 4-golds sa basketball competition sa MOA Arena.

As of 10 p.m. kagabi, namamayagpag ang Pinas  sa  148-golds, 116 silvers at 118 bronzes  patungo sa huling event ngayong umaga bago magsara ang kompetisyon sa gabi. Nakaungos naman ang Vietnam sa ikalawang puwesto sa naipong 95-85-103 gold-silver-bronzes kasunod ang Thailand (91-101, 122).

Silver lang ang Pinoy spikers matapos yumuko sa Indonesia, 21-25, 25-27, 17-25.

 

Show comments