MILWAUKEE -- Humakot si superstar forward Giannis Antetokounmpo ng 32 points at 15 rebounds para banderahan ang 110-101 panalo ng Milwaukee laban sa Orlando Magic.
Ito ang pang-15 sunod na ratsada ng Bucks.
Nagdagdag si Khris Middleton ng 20 points, habang may 12 markers si Dante DiVincenzo mula sa bench.
Binanderahan naman ni Evan Fournier ang Magic, napigil ang four-game winning streak, sa kanyang 26 points kasunod ang 23 markers ni Terrence Ross.
Sa Boston, pinamunuan ni Kemba Walker ang balance scoring ng Cel-tics sa 110-88 pagpapatumba sa bumubulusok na Cleveland Cavaliers.
Umiskor si Walker ng 22 points, habang nag-ambag si Gordon Hayward ng 14 points sa kanyang pagbabalik mula sa broken hand para sa kanilang 10-0 home record.
Nagtala si Jaylen Brown ng 20 points at 7 rebounds at kumolekta si Jayson Tatum ng 19 points at 11 boards para sa Boston.
Pinangunahan ni Fil-Am guard Jordan Clarkson ang Cleveland mula sa kanyang 19 points habang humakot si Tristan Thompson ng 17 points at 11 rebounds.
Ito ang pang-pitong dikit na kamalasan ng Cavaliers.
Sa Chicago, naglista si Pascal Siakam ng 22 points para tulungan ang Toronto Raptors na takasan ang Bulls, 93-92.
Hindi pumasok ang running jumper ni Zach LaVine na nagpanalo sana sa Chicago.
Nag-ambag si Norman Powell ng 17 points para sa Raptors, hindi nakuha ang serbisyo ni guard Fred VanVleet na may bruised right knee.
Tumapos si LaVine na may 20 points sa panig ng Bulls, samantalang may 14 markers si Wendell Carter Jr.