MANILA, Philippines — Wala na talagang kawala sa Team Philippines ang overall title nang maghakot pa kahapon ng gold sa pangunguna ng mga boxers na may 7-golds na napanalunan sa penultimate day ng 30th Southeast Asian Games.
Paulit-ulit na tinugtog ang Pambansang Awit sa PICC sa sunud-sunod na panalo nina Carlo Paalam sa men’s light flyweight, Olympian Rogen Ladon men’s flyweight division, Josie Gabuco sa women’s light flyweight, James Palicte sa men’s boxing light welterweight, Charly Suarez sa men’s lightweight class, world champion Nesthy Petecio women’s featherweight at Eumir Felix Marcial sa men’s middleweight class.
Tatlong ginto naman ang iniambag ng jiu-jitsu sa pangunguna ni Margarita “Meggie” Ochoa na nanalo sa women’s 45-kilogram sa kasama sina Dean Michael Roxas at Carlo Peña sa men’s 85kg at men’s 56kg category, ayon sa pagkakasunod.
May dalawang gold din sa wind surfing mula kina two-time world champion na si Geylord Coveta sa men’s RS: One event at Yancy Kaibigan sa men’s windsurfing RS: X (9.5M).
Nakopo naman ng Team Sibol ang gold sa Mobile Legends: Bang Bang sa bagong eSports competition sa 3 San Juan Arena sa San Juan City sa pangungunna ni Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno hawak ang kanyang hero na Esmeralda.
Sa New Clark City Stadium, muling nagdeliber ang athletics mula kina Clinton Kingsley Bautista sa men’s 110n hurdles at Melvin Calano sa men’s javelin throw.
Napaiyak naman ang nagbabalik pa lang sa karate matapos ang apat na taong pag-aaral na si Jamie Lim, anak ng basketball great na si Samboy Lim, nang makopo nito ang kanyang gold sa women’s kumite individual +61kg event ng karate competition sa World Trade Center.
Gold si Jerry Olsim sa men’s -69kg kick light division sa kickboxing competition sa Cuneta Astrodome.
Sa taekwondo, humirit ng ginto si Kurt Bryan Barbosa nang irehistro nito ang impresibong 26-10 desisyon laban kay Indonesian jin Reinaldy Atmanegara sa men’s -54 kg. division sa labang ginanap sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa Parade Grounds, nagtulun ang mag-asawang Paul Marton at Rachelle Anne Dela Cruz para manalo sa mixed compound ng archery event.
Sa sailing, pinangunahan ni Joel Mejarito ang six-man Philippine sailors upang walisin ang Singapore sa final ng keelboat match racing FE28R mixed, 2-0.